MGA SANGANDAAN TUNGO SA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA AT NG LIPUNANG PILIPINO
Sa mga makabuluhang repormang pang-ekonomiya na ipinatupad ng administrasyon ni
Pangulong Rodrigo Duterte, makikinabang ang susunod na presidente. Iyon ay kung muunawaan niya ang magandang kapalaran na nakalatag sa kaniyang daraanan at hindi niya ipagwawalang-bahala ang intensiyon ng nasabing mga reporma sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga salungat na hakbangin.
MGA REPORMANG PANG EKONOMIYA NI DUTERTE
Sa halos ay kabuuan ng kaniyang termino, napakataas ng suporta at pagtangi ng mga Filipino kay Pangulong Duterte. Sa kabila ng ang kaniyang mga pangunahing programa ay nakatuon sa mga isyu ng kapayapaan at kaayusan, giyera laban sa ilegal na droga, at iba pang mga isyung poitikal, ang kaniyang mga nakamit sa pagkakaroon ng mga batas para sa repormang pang-ekonomiya ay mas higit at makabuluhan sa mga nakamit ng mga nagdaang pangulo ng Pilipinas.
Sa pag-upong pag-upo pa lamang, isinulong kaagad ni Pangulong Duterte ang pagpapalakas ng programang pang-imprastraktura sa pamamagitan ng pag-pabilis sa proseso ng pag-desisyon at pag-parami sa mga pag-pipiliang proyektong bayan sa ilalim ng BUILD, BUILD, BUILD Program.
Sa ilalim ng mga reporma sa buwisan o tax reform, nakamit ang mabilis, maayos at malawakang paglikom ng buwis na naging dahilan ng pagkakaroon ng mas malaking pondo para sa serbisyo publiko. Hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon na nabalam ang pag-pondo sa mga programa ng gobyerno nang dahil sa pulitika, ang taunang pambansang badyet ng gobyerno ni Duterte ay hindi nabimbin ng matagal sa Kongreso.
Ang mabilis na pag-desisyon sa mga programang pang-imprastraktura at pang-lipunan ng gobyerno ay may mga katapat na bagong batas na pang-repormang ekonomiya o economic reform legislation.
Ang mga bagong batas ay sumasaklaw sa (1) reporma sa buwisan o tax reform, (2) reporma sa insentibo sa pamumuhunan o investment incentives reform , (3) isyu ng seguridad ng pagkain o food security, lalo na sa patakaran sa pag-angkat, (4) pag-amyenda sa mga batas sa dayuhang pamumuhunan lalo na sa Retail Trade Law, Public Service Act, at Foreign Investment Law.
Hindi naging madali ang pinag-daanan ng mga bagong batas na pang-repormang ekonomiya. May mga tutol dito. May mga malakas na grupong kumilos upang hadlangan ang mga ito, lalo na sa Senado. Umusad lamang ang mga panukalang batas sa pamamagitan ng pakikipag-kompromiso. Tanging ang panukalang batas sa pag-reporma sa sistema ng buwis ang mabilis na naka-pasa sa Kongreso. Ang pag reporma sa seguridad sa pagkain tulad ng Rice Tariffication Law na bumuwag sa monopoliya NFA sa pag-angkat ng bigas, ay naging batas sa ika-apat na taon ng Duterte Administration. Napakalakas ng grupong tumutol dito.
Gayunman, ang mga pangunahing repormang ito ay kagyat na kinakitaan ng mga makahulugan at makabuluhang resulta. Nang dahil sa (1) batas na nag-reporma sa buwisan o tax reform, tumaas ang antas ng katayuang pinansiyal ng gobyerno. Kabilang sa mga repormang ito ang pagbaba ng buwis na pataw sa kinita ng isang individwal (individual income tax rates); ang pagtaas naman ng buwis na pataw sa energhiya at ang tinatawag na “sin taxes” o ang buwis sa tabaco, e-cigarette, at alak.
Nagawang palakihin ng reporma sa buwis ang kapasidad ng gobyerno sa pagtustos sa mga ordinaryong panganga-ilangan ng gobyerno at paglawak ng suporta sa mga programa ng pamumuhunang pam-publiko. Napakalaki ng kontribusyon nito sa pagtustos sa Build Build Build program.
Ang mga reporma naman sa (3) seguridad sa pagkain o food security ay malaking tulong para maayos ang presyo ng bigas sa lokal na merkado at mapatatag ang supply ng bigas sa pamamagitan ng kumpetisyon sa hanay ng mga uma-angkat na negosyante. Dati rati, ang manaka-naka desisyon sa pag-angkat ng bigas ay nag-resulta s pagkakaroon ng artipisyal na kakulangan ng supply ng bigas na naging dahilan naman upang kumita ng todo ang mga pinapaboran ng mga regulasyon ng NFA at ang pagkawala ng kita ng gobyerno habang umarangkada ang walang katatagang presyo ng bigas na siyang pangunahing pagkain ng sambayanan.
Nakaharap tayo sa halalang pampanguluhan sa darating na Mayo na ang presyo ng bigas ay matatag at tiwasay para sa may 110 milyong Filipino.
Nang mabuwag ang monopolya ng NFA sa pag-angkat ng bigas, kumukolekta ngayon ang gobyerno ng buwis (tariff revenues) sa imported rice (30 percent ad valorem). Ang malaking bahagi ng nakuhang buwis ay binalik bilang suporta sa lokal na industriya ng bigas upang tumaas ang produksiyon gayundin ang pag-ayuda sa mga mahihirap na magsasaka.
Makikita naman ang malawakang implementasyon ng mga probisyon ng ibang repormang ekonomiya habang ina-ani ng susunod na presidente ang mga benepsiyo na magmumula dito.
Ang reporma sa (2) insentibo sa pamumuhunan o investment incentives ay umabot ng tatlong taon bago inaprubahan ng Kongreso. Ang reporma sa insentibo sa pamumuhunan ay kaakibat ng Comprehensive Tax Reform Program. Layon ng reporma na isaayos ang ibat-ibang insentibo para sa pamumuhunan at upang ibayong magkaroon ng pananagutan at walang anomalya ang pag-akit at pagpapaunlad ng pamumuhunan. Bahagi ng insentibo na kaloob sa pamumuhunan ay kinukuha mula sa corporate income tax ng mismong mga kompanyang tumatanggap ng insentibo. Iyon ay aspeto ng reporma ng buwisan o tax reform.
Salig sa nabuong batas, ang corporate income tax ng karamihan ng mga negosyo ay bumaba sa 25 porsiyento mula sa dating 30 porsiyento. Gayunman ang epektibong insentibo sa mga maliliit hanggang katamtamang laki ng negosyo (small and medium enterprises) ay 20 porsiyento na lamang. Epekto ng repormang ito ang maging maayos ang antas ng corporate tax rate ng Pilipinas upang makalaban ng sabayan sa mga mababang tax rate ng ibang bansang kasapi ng ASEAN.
Ang ika-apat at pang-huling grupo ng repormang pang-ekonomiya ay may kinalalaman sa pag-alis ng mga balakid sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas. Binalangkas ang mga ito para bawasan ang mga mahihigpit at may pangharang na polisiya sa dayuhang pamumuhunan na naging sahil upang maging huli ang Pilipinas sa larangang ito ng ekonomiya.
Sa katatapos na session ng lehislatura, nagkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na aprobahan ang tatlong importanteng panukalang batas na sinertipikang urgent ni Pangulong Duterte.
Ang pag-amyenda sa Retail Trade Law ay nilagdaan na kamakailan. Ang pag-amyenda naman sa Public Service Act at sa Foreign Investment Incentives Law ay lalagdaan ni Pangulong Duterte anumang araw mula ngayon.
Sa madaling sabi, ang pangunahing responsibilidad na ng susunod na pangulo ang pagpapatupad ng bagong batas na nagluluwag sa pag-pasok ng dayuhang puhunan o foreign direct investments (FDI.
May mga hamon pa ring haharapin ang sunod na pangulo. Hindi lahat ay ginto para sa susunod na presidente. Bagamat ang mga reporma ay giyerang napanalunan sa pamamagitan ng lehislasyon, may posibilidad pa rin na kukuwestiyunin ng mga tutol sa ilang probisyon ng batas, lalo na ang sa kaso ng Public Service Act, ang constitutionality o paglabag nito sa Constitution. Ito pa rin ang lumang laro ng pagbalam at pagwasak.
Kung kayat ang susunod na pangulo ng Pilipinas ay dapat na hinubog ng mga katangian ng mahuhusay at angkop na pamumuno.
Basahin ang orihinal na artikulo sa The Philippine Star: https://www.philstar.com/business/2022/02/09/2159430/next-president-will-inherit-significant-economic-reforms
Filipino translation by:
Kris Cismundo/Edgar Reyes
Philippine News Agency